Nagpakuha ng larawan kay Kalihim Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. (gitna) ng Department of the Interior and Local Government, sa harapan ng bantayog ni Gat. Marcelo H. Del Pilar, ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando at BIse Gobernador Alex C. Castro kasama sina Provincial Administrator Anne Constantino, Bokal Mina Fermin at Bokal Allan Andan. Nasa larawan din sina Mayor Vergel Meneses , Vice Mayor Aika Sanchez at Bulacan Press Club President Thony DP Arcenal. -- Vice Gov. Alex Castro’s Office

BAYAN NG BULAKAN, Bulacan – “Si Gat Marcelo H. Del Pilar na ating
pangunahing bayani na may hawak ng titulong Pambansang Bayani, siya ang
gawin nating gabay at tanglaw. Ang kanyang kaisipan, paninindigan, at mariing
pagtutol sa katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan ay patuloy na
nagbibigayinspirasyon sa atin na ipaglaban ang tama at makatarungan.”
Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo sa
paggunita ng Ika-173 Guning Taong Pagsilang ni Gat Marcelo H. Del Pilar na
ginanap nitong Miyerkules, Agosto 30 sa Dambanang Marcelo H. Del Pilar sa San
Nicolas sa bayan na ito
Nakaangkla sa temang “Marcelo H. Del Pilar: Liwanag ng Nakaraan, Tanglaw natin
sa Kasalukuya,” pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa
pamumuno ni Gob. Fernando at ng Bise Gobernador Alex C. Castro ang pag-aalay
ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Del Pilar kasama ang
SangguniangPanlalawigan ng Bulacan, Sangguniang Bayan ng Bulakan, DILG
Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, mga kinatawan mula sa National Press

Club of the Philippines, Bulacan Press Club, Central Luzon Media Association,
Senior Grand Warden, Free and Accepted Masons of the Philippines, at PNP
Bulakan.
Bilang panauhing pandangal, ikinintil ni Kalihim Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ng
Department of the Interior and Local Government sa mga puso at isipan ng mga
Bulakenyo ang mga dakilang katangian ni Del Pilar habang nagbabalik-tanaw sa
kanyang mga kabayanihan.
“Kung sinasabi nila na there will always be change, I will tell you this: kung may
isang bagay man na talagang hindi magbabago ay ang katangian ng katapangan;
ang katangian ng kadakilaan; ang katangian ng pagmamahal; ang katangian ng
pakikipagkapwa-tao. Tandaan niyo “yan at iyan ang itatanim natin,” ani Abalos.
Gayundin, inihalintulad ni Fernando ang mga katangian ni Del Pilar sa mga
katangian na dapat taglayin ng mga lingkod bayan.
“Nakatuon tayo, hindi sa pansariling-interes kundi sa kapakanan ng higit na
nakararami. Kung ating susuriin, ang adhikain ng ating dakilang bayani ay tugma
at angkop pa rin sa mga pangangailangan ng ating panahon; ang pagpapalakas ng
lokal na pamahalaan; ang pagpapalaganap ng aktibong partisipasyon ng mga
mamamayan,” ani Fernando.
Ayon sa Republic Act 11699, ang ika-30 ng Agosto ay ipinagdiriwang din bilang
“Araw ng Malayang Pamamahayag” bilang pag-alaala sa kadakilaan ni Del Pilar
bilang isang mamamahayag.