LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Pinag-utos ni Mayor Christian D. Natividad ang mandatory drug testing sa lahat ng opisyal ng barangay nitong, Huwebes, Agosto 25 sa lunsod na ito.
Ito’y matapos mahuli sa magkahiwalay na drug buy bust operation ang dalawang barangay tanod mula sa Barangay Guinhawa at Barangay San Gabriel, sa pagtutulungan na rin ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos at City Police Station o Malolos CPS.
Ayon kay PLt.Col. Ferdinand D Germino, Acting Chief-of-Police ng Malolos CPS isinagawa ang naturang operasyon mula sa impormasyon at intelehensyang nakalap mula sa mga barangay, na nagbunga nang pagkakahuli sa 2 salarin.
Bunsod nito, agaran naman ang naging desisyon ni Mayor Natividad na mandatory drug testing upang makasiguro na ang lahat ng mga kawani sa pamahalaang barangay mula sa tanod, mga konsehal hanggang sa kapitan ay walang anumang bahid ng iligal na droga.
Ayon pa sa alkalde, mahalagang magsilbing ehemplo ang mga opisyal ng barangay lalung-lalo na ang inihalal ng taongbayan, na mauna nang sumailalim sa mandatory drug testing.
Nauna namang sumunod sa kautusan ni Mayor Natividad sina Kapitan Ferdie A. Dimagiba ng Brgy. Catmon at Kapitan Marvin S. Casim ng Brgy. Bangkal.
Samantala, agaran ding ipinag-utos ni City Administrator Joel Eugenio ang drug testing din sa hanay naman ng mga kawani ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos.