Iniinspeksyon ni Mayor Leonardo "Ding" Valeda (gitna) ang isang bulaos sa Brgy. Binuangan na idinadaing ng mga residente na laging lubog sa tubig. Kasama rin sa pag-iinspeksyon ng alkalde sina Konsehal Philip Dela Cruz (kaliwa) at kawani ng Tanggapan ng Pambayang Inhinyero para sukatin ang itataas na lugar.- Larawang kuha ni Royce Ruiz Aguinaldo/Obando Mayor's Office ______

BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Tinugunan ni Mayor Leonardo “Ding” Valeda ang matagal nang idinadaing ng nga residente ng Barangay Binuangan sa bayan na ito.

Mga bulaos at eskinitang laging lubog sa tubig ang kalunus-lunos na kalagayang inihihingi nang agarang solusyon ng mga kababayang nasa baybaying barangay.

Agad namang ininspeksyon ni Mayor Valeda, kasama ang 2 kawani ng Tanggapang ng Pambayang Inhinyero ang nabanggit na mga lugar.


Sa kanilang pag-iinspeksyon, nakita nila ang sanhi ng paglubog ng mga ito sa tubig, ang kababaan mismo ng mga lugar.

Inatasan agad ng butihing alkalde sina Engr. Jaime Delos Reyes at Janssen Alejo na sukatin ang dapat tambakan upang maitaas ang mga ito, upang hindi na malubog sa tubig.

Ayon naman sa mga residente, matagal na itong pahirap sa kanila lalong lalo na sa mga mag-aaral na bumabaybay dito.

Para maibsan anila ang kanilang dinaranas ay tinatambakan nila ito ng sari- saring sea shell at saku-sakong bato para madaanan subalit hindi pa rin sapat.

Dahil sa pagbisita ni Mayor Valeda, inaasahang malulutas na ang matagal nang problema ng maraming residente ng Binuangan dahil kilala ang alkalde na tumutugon agad sa idinudulog ng taumbayan.

Kasama din  ni Mayor Valeda si Konsehal Philip Dela Cruz sa isinagawang inspeksyon sa baybaying Barangay ng Binuangan.