Ipinapakita ni Rodel Onofre ng Brgy. Maligaya, San Miguel, Bulacan, isang person with disability o PWD, ang Philippine Red Cross beneficiary card at halagang P5,000 multi-purpose cash grant na tinanggap mula sa PRC Bulacan Chapter katuwang ang International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies o IFRC. Nasa larawan din para pangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa apektadong komunidad sa lalawigan ng Bulacan dulot nang nagdaang malakas na bagyong Karding (NORU) sina Kinatawan Lorna C. Silverio (Ika-5 sa kaliwa) ng Ika-3 Distrito ng Bulacan at nagsisilbing Chairperson ng Board of Directors ng Bulacan PRC kasama sina Administrador Ricardo A. Villacorte (Ika-4 sa kaliwa), Direktor Josefina Natividad, Dir. Dr. Edwin P. Tecson, Provincial Health Officer I-Pubic Health ng Pamahalaang Panlalawigan, Dir. Celerina Sabariaga, Dir. Bartolome Agustin, at Dir. Dr. Irmingardo Antonio - Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

BAYAN NG SAN MIGUEL, Bulacan – Namahagi ng tig-P5,000 tulong pinansyal sa
477 na benepisyaryong San Miguelenos ang Philippine Red Cross o PRC Bulacan
Chapter nitong Huwebes, Pebrero 15 sa covered court ng Brgy. Poblacion ng
bayan na ito.
Pinangunahan nina Kinatawan Lorna C. Silverio ng Ika-3 Distrito ng Bulacan at
nagsisilbing Chairperson ng Board of Directors ng PRC Bulacan Chapter at
Administrador Ricardo A. Villacorte ang pag-aabot ng multi-purpose cash grant na
nagmula sa nasabing tanggapan katuwang ang International Federation of Red
Cross and Red Crescent Societies o IFRC.
Nabiyayaan ang ilang residente ng Brgy. Maligaya at Brgy. Malibay na mga
komunidad sa lalawigan na lubhang naapektuhan nang nagdaang malakas na
bagyong Karding (NORU).
Sa kanyang mensahe bago simulang ang pamamahagi ng ayuda, Sinabi ni
Kinatawan Silverio na bilang kabahagi ng Bulacan Red Cross mapapalawak niya
ang kanyang pagseserbisyo hindi lamang sa kanyang distrito kundi pati na rin sa
buong lalawigan ng Bulacan.
Ibinalita ni Kint. Silverio ang paghahatid niya kay Senador Richard “Dick” J.
Gordon, Chairman at CEO ng PRC, nang nakolektang donasyon para sa apektado
ng malakas na lindol sa bansang Turkey.
Patuloy rin ang pamamahagi ng mga food pack ng kanyang tanggapan bilang
tulong na rin sa kanyang mga kadistrito dahil ani Silverio, “trabaho ko na kayo ay
paglingkuran at ang pagtupad dito ang kanyang mandato bilang Kinatawan ng Ika-
3 Distrito sa Kongreso.”

Pinagbilinan din ng mambabatas ang mga benepisyaryo na huwag kalilimutan ang
Red Cross at ipinanawagan sa kanyang mga kadistrito ang pag-iikot ng kanyang
mga district office personnel para sa pagkuha ng mga karagdagang boluntaryong
magiging katulong ng Bulacan Red Cross.
Inihayag naman ni Administrador Villacorte ang susi sa pagresolba sa mga
personal na problema ng isang indibidwal.
“Kailangang tumulong tayo sa ibang tao, iyon po ang sikreto. Dapat hindi tayo
nakapokus sa sarili natin dahil kapag tumulong tayo sa ibang tao, tutulungan din
tayo ng Diyos na matulungan ang ating mga problema,” anang administrador.
“Kung gusto mong matulungan ang sarili mo ay tulungan mo rin ang iba dahil
kung ano ang ginawa mong kabutihan ay iyon din ang mapupunta sa iyo,” dagdag
pa ni Admin. Villacorte.
Nanawagan din si Villacorte na patuluyin sa bawat tahanan ang mga boluntaryo
ng Red Cross 143, para matulungan ang bawat Bulakenyo kung ano ang dapat
gawin kapag may disaster at emergency.
“Ang Red Cross 143 sa bawat barangay ay kinabibilangan ng isang leader at 43 na
mga follower,” pagtatapos ng administrador.
Sa bahagi naman ng mga benepisyaryo, sinabi ni Rodel Onofre ng Brgy. maligaya
na gagamitin niya ang natanggap na ayuda sa pambili ng materyales para sa
pagkumpuni ng nasira niyang bahay at ang matitira ay ipambibili ng kanilang
pang-araw-araw na pangagailangan.
Gayundin ang iba pang benepisyaryong nakatatanda na nagmula sa Brgy. Malibay
na ilalaan ang bahagi ng perang natanggap sa pambili ng gamot para sa kanilang
mga karamdaman.
Hindi nagpabaya ang Bulacan PRC sa pagpatupad ng mga minimum public health
standard sa lugar nang pinagdausan ng aktibidad para maiwasan ang maaring
pagkakahawaan ng Covid 19.

Kasabay ding namahagi ng multi-purpose cash grant ang bawat chapter ng PRC sa
mga lalawigan ng Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Bataan at Zambales, na
ipinapakita sa screen via online platform na Zoom.
Inalalayan naman ni Kapitan Ricky De Guzman ng Brgy. Maligaya, ang kanyang
mga kabarangay na nakasama sa handog na tulong pinasyal ng PRC at nagbigay ng
pasalamat sa nasabing organisasyon.
Buong suporta ring nakibahagi ang mga opisyal at kawani ng PRC Bulacan Chapter
sa pangunguna ni Direktor Josefina Natividad kasama sina Dir. Celerina Sabariaga,
Dir. Dr. Irmingardo Antonio, Dir. Dr. Annabelle Talusan, Dir. Bartolome Agustin at
Dir. Dr. Edwin P. Tecson, Provincial Health Officer I-Pubic Health ng Pamahalaang
Panlalawigan.
Unang pamamahagi pa lamang ng Bulacan Red Cross ng multi-purpose cash grant
at inaasahang masusundan pa sa ilan pang mga linggong darating.