Nagkaroon nang oportunidad si StingRay na makadalo sa pagdiriwang ng
kaarawan ni Lt.Col. Ronnel Dela Cruz, Batallion Commander ng 70th Infantry
Batallion (Matatag at Matapat) 7 Infantry Division ng Philippine Army nitong
Huwebes, Oktubre 27 sa headquarters nila sa Bayan ng Dona Remedios Trinidad.
Salamat sa kasama ko sa pamamamahayag na si Thony Arcenal at si Vhicky na
kanyang maybahay sa pagyakag sa akin na makipagdiwang sa kaarawan ng isang
maituturing nating may mataas na katungkulang ginagampanan para sa
kapakanan hindi lamang ng mga Bulakenyo kundi pati na rin sa iba pang lalawigan
sa Gitnang Luzon.
Tubong Bulacan si BatCom Ronnel na nagmula sa Bayan ng San Rafael na sa aming
harapan at pakikipag-usap ay kinakitaan mo nang kababaan ng loob sa kabila ng
kanyang estado bilang mataas na pinuno ng mga sundalo.
Natiyempo namang pumunta rin sa nasabing pagdiriwang si Retired General
Felimen T. Santos, Jr. dating Commander-in-Chief ng Armed Forces of the
Philippines na isa ring San Rafaeleno at ngayo’y may posisyong ginagampanan sa
Clark Development Corporation sa Clark Freeport Zonne sa Lalawigan ng
Pampanga.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay natikman ni StingRay kasama ang mag-
asawang Thony at mga ka-mistah ni Col. Ronnel ang linamnam ng Litsong Baboy
Ramo at Kaldereta at Dinakdakang Tupa na sorpresang inihanda ng mga
subordinate ni BatCom at magiliw na inihahain ng mga trainees mula sa Fort
Magsaysay, Nueva Ecija
Kung tutusin, ayaw ni BatCom Ronnel na maghanda sa kanyang kaarawan, dahil
iniisip niya ang kalagayan ng kanyang mga tauhan na kasalukuyang nasa
kabundukan para paigtingin ang kampanya nang pagpapanatili ng katiwasayan at
kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Ngunit ano pa ang magagawa ni Col. Ronnel kung dumating na lang bigla sa
kanyang harapan ang mga gusto na siya’y pasayahin kahit man lamang sa kanyang
kaarawan nang pagsilang.
Kahit sandali’y nakapawi sa pagseserbisyong iniaalay at sakripisyo na ibinibigay
para sa kapakanan ng Sambayanag Pilipino.
Isa kang huwaran Lt. Col. Dela Cruz, bayani kang dapat tularan ng mga susunod sa
yapak na iyong tinatahak.
Maligayang Kaarawan Col. Sir!
SUNUD-SUNOD NA KARANGALAN NG BULACAN
Nitong nagdaang mga araw ay sunud-sunod na karangalan ang tinaggap ng
Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan dahil na rin sa husay na pagtitimon ni
Gobernador Daniel R. Fernando at ng mga Pinuno ng bawat tanggapan.
Tinanghal na Grand Champion ang SINEliksik Bulacan ng Lalawigan ng Bulacan na
Best Program for Culture and the Arts sa iginawad ng Association of Tourism
Officers of the Philippines-Department of Tourism Pearl Awards 2022 na ginanap
nitong Huwebes, Oktubre 27 sa Taal Vista Hotel, Lunsod ng Tagaytay. Tinanggap
ni nanunuparang Gobernador Alex Castro ang karangalan kasama sina Provincial
Administrator Tonette Constantino, Pinuno ng PHACTO Dr. Eliseo Dela Cruz at
maybahay ni BG Castro na si Sunshine Garcia.
Ginawaran din ng Hall of Fame Award ang pamahalaang panlalawigan ng
Department of Finance nitong Miyerkules, Oktubre 26 sa PICC sa Maynila dahil sa
pagiging bahagi ng Top 10 national awardees nang sunud-sunod na taon simula
2018 hanggang 2020.
Bukod pa diyan ang nakamit ng Bulacan bilang Top 2 Province sa buong bansa na
may Highest Locally Sourced Revenues, na mismong si Assistant Secretary Dakila
Elteen Napao ng DOF ang nag-abot ng katibayan ng karangalan.
Matatandaang tinananggap ni Gob. Daniel ang Most Business-Friendly LGU Award
Province Level para sa Lalawigan ng Bulacan mula kay Pangulong Ferdinand
“Bongbong Marcos, Jr. sa ginanap na 48 th Philippine Business Conference and
Expo noong Oktubre 20 sa Fiesta Pavilion ng The Manila Hotel sa Maynila. Ang
karangalan ay iginawad ng Department of Trade and Industry katuwang ang
Philippine Chamber of Commerce and Industry.
Napagwagian din ng Bulacan sa ikaanim na sunud-sunod na taon ang
prestihiyosong Seal of Good Local Governance o SGLG award mula sa DILG.
When it rains it pours ika nga, ito’y pagkatapos ng trahedyang idinulot nang
nagdaang Bagyong Karding na bumawi sa buhay ng limang kawani ng
pamahalaang panlalawigan na nakapuwesto sa PDRRMO o Bulacan Rescue, na
tinawag na mga bayaning tagapagligtas.
Maipagmamalaki naming kami’y mga Bulakenyo, taas noo kahit kanino ngunit
may mababang loob sa ginagampanang pagseserbisyo sa kapakanan ng
kababayang Bulakenyo.
Pagbati rin sa mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan
para sa mga tinanggap na karangalan!