Panahon na naman ng Kapaskuhan at kasunod nito ang pagpapalit ng taon, na
ating ipinagdiriwang at sinasalubong nang pag-iingay at kalimitan ay
pagpapaputok at pagpapailaw ng mga fireworks.
Tradisyong hindi na ata natin maiaalis, maitaboy lang ang malas ika nga sa ating
mga kabahayan at pasukin nang kasaganahan.
Kaya in demand ang paggawa ng mga paputok at pailaw, na siyang naging daan
para makilala ang Bayan ng Bocaue bilang Fireworks Capital of the Philippines.
Mainam sa mga ligal na pagawaan ng paputok at pailaw na alam ang mga do’s
and dont’s pagdating sa pagpoproseso ng kanilang mga produktong
kinasasabikan.
May regulating body at asosasyon naman na tumitingin sa lagay ng kanilang
hanay at tumitingin sa kung ano lang ang pupuwedeng gawin sa isang pagawaaan.
Ngunit paano namang ang gestapo style na pagagawa ng mga nakakalusot na
iligal na pagawaan, na naglalagay sa panganib na pagkawasak ng ari-arian at
buhay ng isang nilalang?
Mga matitigas ang ulo na inilalagay sa bingit ng kamatayan ang ilan nilang tauhan
maging ang mga nakapaligid sa kanilang pagawaan, kumita lang ng kaunti sa
maling paraan.
Hindi na ba sila nadala sa mga nagdaang pagsabog sa parehong iligal na
pamamaraan na ikinasawi at ikinasugat ng malubha ng mga inosenteng
mamamayan?
Tulad na lang nang nagyaring pagsabog muli ng isang iligal na pagawaan ng
paputok sa Sitio Manggahan, Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan nitong
Huwebes, Nobyembre 3, na ikinasugat nang malubha ng 8 katao at buti na lamang
ay hindi na nagdulot nang pagkasawi ng ilan.
Tatlong malalakas na putok at sinundan ng 2 pang pagsabog na ikinauga ng lupa
ang naramdaman ng mga residenteng malapit sa lugar na pinangyarihan.
Ang pangyayaring ito ang pilit nating iniiwasan bilang pagpapahalaga sa buhay na
maari nitong kitilin.
Ano ng aba ang pangmatagalang kasagutan sa ganitong suliranin?
Isama na riyan ang kailan lang ay sumingaw na impormasyon na isang bodega sa
bayan din ng Bocaue na pinaglagyan ng IMPORTED NA PAPUTOK, na nilagyan
lang ng MADE IN THE PHILIPPINES.
Lubha ring mapanganib ang ganitong sitwasyon at lumalabag sa mga batas na
pinaiiral sa ating bansa.
Siguro panahon na para pairalin din ang KAMAY NA BAKAL sa pagresolba sa
problemang ito, na pauliti ulit na lang bumubulaga at ikinagugulat natin.
Sa ganang akin, magampanan lang ng maigi ng mga punong barangay ang
kanilang mga tuingkulin, malaki ang porsyentong walang makakalusot na ililgal na
pagawaan ng paputok o ano mang klase ng iligal sa kanilang barangay.
Mapasubaybayan lang ng mga kapitan sa kanyang mga kagawad o maging sa mga
SK offficials, na sa bawat sulok ng sitio o purok na kanilang nasasakupan ay tiyak
na maiuulat ang ano pa mang mga nagbabalak na gumawa ng isang maituturing
na krimen sa ating Saligang Batas.
Liban na lamang kung nagbubulag-bulagan ang isang lingkod bayan o kaya’y
talaga lang hindi episyente o hindi alam ang tungkuling ginagampanan.
POLITICAL WILL ika nga ang kinakailangan para matuldukan ang lahat ng iligal sa
ating bayan, kasabay ang kaligtasan ng nasasakupang mamamayan.
Kaya matuto tayong pumili ng ating iuupo sa darating na Halalang Pambarangay,
dahil nasa ating mga kamay at tamang kaisipan ang magpapabuti sa lugar na ating
ginagalawan.