Bago at modernong City Hall ng Meycauayan pinasinayaan

0
992

Bagong City Hall ng Meycauayan pinasinayaan, serbisyo inilapit sa mas nakararaming Meycaueno
Ni Harold T.  Raymundo

LUNSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan – Pinasinayaan at binasbasan ang bagong gusali ng Pamahalaang Lunsod ng Meycauayan nitong Biyernes, Mayo 20 na nasa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Saluysoy ng lunsod na ito.

Pinangunahan ni Mayor Linabelle Ruth R. Villarica ang pagpapasinaya kasama ang kabiyak na si Kinatawan Henry R. Villarica at Kalihim Menardo I. Guevarra, na nagsilbing panauhing pandangal sa nasabing okasyon.

Nanguna naman sa pagbabasbas ng unang palapag si Bishop Deogracias Iniguez Jr., D.D. katuwang si Rev. Fr. Michael Sales na sinundan ng mga kaparian sa bawa’t palapag ng bagong Meycauayan City Hall

5 palapag ang bagong bahay pamahalaan na mayroong attic at roofdeck at nagkakahalaga ng 1 bilyong piso.

Sa administrasyon ni Mayor Henry Villarica taong 2016 naipasa ng Sangguniang Panlunsod ang dalawang resolusyon 2016-106 at 2016-109 na nag-aapruba sa paglilipat ng city hall sa sentro ng komersyo ng lunsod.

Opisyal namang nabili ng lokal na pamahalaan noong Hulyo 2017 ang humigit kumulang na 6 na libong metro kuwadradong lupa na pinagtayuan nito.

Sinimulan ang pagpaplano at konstruksyon ng bagong city hall noong Disyembre 2017 sa pangunguna ni City Engineer Gil Maglagui at ang kontraktor ng proyekto na Persan Construction, Inc.
Sinunod naman ang disenyo ng gusali sa klasikal na Parthenon ng Athens, Greece sa ideya ni Arch. Marcos De Guzman, Jr., City Planning and Architectural Design Consultant.

Katuwang din sa disenyo ng ilang bahagi ng gusali si Cesar Tuason at kompanyang RG Simbulan Partners Corporation ang nagsuplay ng mga furniture sa loob ng bagong bahay pamahalaan.

Iniulat nanan ni Mayor Linabelle Ruth Villarica ang kaniyang mga nagawa at ipagpapatuloy pang gawin ni incoming Mayor Henry Villarica para sa Lunsod ng Meycauayan.

Ibinida din ni Mayor Linabelle ang bagong bahay pamahalaan na kanilang naipatayo dahil sa mabuting pamamahala.

“Look in front of you and above you. This new city hall is one among many instances of concrete proof on what we can achieve through good governance,” ani Villarica

“Let us work together harmoniously and enjoy the fruits of our labors. May God continue to bless the faithful sons and daughters of the City of Meycauayan and the 4th Congressional District of Bulacan, pagtatapos ng punong bayan.

Ayon kay Kinatawan Henry Villarica, isa sa mga proyekto niya noong naupo bilang Mayor noong taong 2016 ang paglilipat ng city hall.

Naging dahilan niya noon ang paglalapit ng city hall sa mas maraming Meycaueno. Magsisilbing magnet of new development aniya at mas makakahikayat ng mga mamumuhunan ang bagong lokasyon nito.

“At nagbunga lahat ngayon ang ating mga pagsusumikap na magkaroon po tayo ng isang world class na city hall,” dagdag pa ni Kint. Villarica

Ipinaliwanag naman ni Kalihim Guevarra  ang papel na ginagampanan ng isang  bahay pamahalaan.

“Kung ang simbahan ang kaluluwa, kung ang commercial center ang puso ang munisipyo naman o city hall ang utak ng isang bayan,” ani Guevarra.

” Ang bagong city hall natin apart from its location ay accessible sa lahat ng uri ng tranportasyon. So ang aking palagay, ang ating bagong city hall ang magiging bagong sentro ng pag-unlad ng Meycauayan,” dagdag pa ng kalihim

Dumalo rin sa makasaysayang okasyon si Vice Mayor Jojie Violago, miyembro ng Sangguniang Panlunsod, nanalong Obando Mayor Leonardo “Ding” Valeda at Vice Mayor Arvin Dela Cruz, Marilao Mayor Ricardo Silvestre at Vice Mayor Henry Lutao, PCol. Charlie Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, mga dating mayor ng Meycauayan, puno at kawani ng Pamahalaang Lunsod ng Meycauayan.

Magsisimula ngayong Lunes, Mayo 23 ang operasyon sa bagong city hall ng lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Lunsod  maliban sa mga opisina na hindi nakatakdang ilipat sa kasalukuyan tulad ng
NBI, Prosecutor’s Office, City Health Unit, Drop-in Center at iba pang field office.

Gagawin namang satellite office ng bahay pamahalaan at extension office ng lokal na kolehiyo na Polytechnic College of the  City of Meycauayan ang lumang city hall na nasa Barangay Camalig.