PULILAN, Bulacan — Mas pinalapit pa sa mga kanayunan sa Bulacan ang pagbibigay ng booster shots laban sa COVID-19, ngayong inilunsad ng Department of Health o DOH ang Bakunahang Bayan.
Nasa 118 na mga Vaccination Sites ang binuksan kung saan kabilang ang mismong mga Rural Health Units, health centers at mayroon ding magsasagawa ng house-to-house na pagbabakuna sa ilang mga barangay.
Iba pa rito ang umiiral pang mga vaccination sites sa mga mall, ilang paaralan, gymnasium at mga convention centers ng mga pamahalaang lokal. Nasa 169 vaccination teams ang nakadestino sa nasabing mga lugar upang magbakuna.
Sa ginanap na paglulunsad ng Bakunahang Bayan sa SM Center Pulilan, sinabi ni DOH Undersecretary Ma. Carolina V. Taino na bahagi ito ng Pinas Lakas Booster Campaign sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., upang lalong maparami ang bilang ng mga magpapa-Booster shot laban sa COVID-19.
Target ng ahensiya na mabigyan ng Booster Shots ang 90% ng mga Senior Citizens na fully-vaccinated at 50% naman sa general public sa kada lalawigan.
Kaya naman target sa Bulacan na mabigyan ng unang Booster Shot ang may 646,652 pa ng mga fully vaccinated na mga Bulakenyo. Iba pa riyan ang 34,625 na mga Senior Citizens na bibigyan ng nasabing Booster Shot.
Ayon kay Patricia Alvaro, tagapagsalita ng Provincial Health Office (PHO), umaabot na sa 730,632 doses ang naiturok sa unang Booster Shot ng 27.70% ng mga Bulakenyo. Nasa 119,492 doses o 4.53% ng mga Bulakenyo naman ang mayroon nang ikalawang Booster Shot.
Ang mga Senior Citizens na fully vaccinated sa lalawigan ay nakatanggap ng 243,398 doses na katumbas ng 78.87% ng populasyon.
Ang mga may edad na 18 hanggang 59 na taong gulang na fully-vaccinated ay nabigyan ng 1,696,909 doses. Habang 357,302 doses para sa mga nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang, at 268,231 doses sa mga nasa edad lima hanggang 11 taong gulang ay pawang mga fully vaccinated na rin.
Para kay Undesecretary Taino, ang ganito kalaking porsiyento ng mga nagpapabakuna sa Bulacan ay patunay na marami ang naniniwala sa bisa ng bakuna. Kaya’t tiwala siyang matatamo rin ang malaking bilang ng mga magpapa-Booster shots.
Isang halimbawa rito ang Pulilan na may 106% na vaccination rate. Ayon kay Dr. Wilbert Eleria, municipal health officer ng Pulilan, mula nang magsimula ang malawakang pagbabakuna noong Marso 2021, nakakapagbakuna ng nasa dalawang libong katao kada araw sa nasabing bayan.
Kaya’t umabot sa mahigit 200 libong doses ng bakuna ang naiturok sa may 120,225 na populasyon ng Pulilan.
Samantala, nasa 6,122,851 doses ng mga bakuna laban sa COVID-19 ang naiturok sa 2,637,274 mga Bulakenyong fully vaccinated na katumbas ng 70% ng populasyon. — Shane F. Velasco/PIA 3-BULACAN