LUNSOD NG MAYNILA – Muling kinilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng
Bulacan bilang Most Business-Friendly LGU Award-Province Level sa ginanap na
48th Philippine Business Conference and Expo nitong Huwebes, Oktubre 20 sa
Fiesta Pavilion, The Manila Hotel, Lunsod ng Maynila.
Kinilala ang pamahalaang panlalawigan dahil sa kapuri-puring pagsisikap at
pagsisimula ng mga makabago at mahuhusay na kasanayan sa mabuting
pamamahala katuwang ang pribadong sektor ng Bulacan.
Binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga tumanggap ng
parangal at sinabi na nagsusumikap ngayon ang pamahalaang nasyonal upang
ibalik ang maraming oportunidad na nawala dahil sa pandaigdigang krisis sa
kalusugan habang patuloy na naglalayag sa bagong normal na pamumuhay.
“These awards signify your efforts to make your communities a faster-growing,
more progressive, more economically agile community and in the face of our new
global post-pandemic economy,” ani Pangulong Marcos.
Pinasalamatan naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang Philippine Chamber
of Commerce and Industry sa iginawad na parangal at sinabing patuloy na
magsisikap ang Bulacan sa mga pangako nito na itatag ang masiglang lokal na
ekonomiya, magbigay ng oportunidad sa bawat Bulakenyo at siguraduhin na
walang sinuman ang maiiwanan.
“Ang mga ganitong uri ng parangal ay nagpapatunay na tinatahak natin ang
tamang landas tungo sa tagumpay. Paalala ito para sa amin na lalong magpursige
upang ibigay ang pinakamataas na uri ng serbisyo-publiko sa aming mga
kalalawigan,” ani Gob. Fernando
Binigyang-diin sa parangal ngayong taon ang kuwento nang tagumpay ng mga
pamahalaang lokal at ang kanilang mahuhusay na kasanayan sa pagpapanumbalik
at pagtataas ng operasyon ng mga negosyo sa lokal na lebel sa pakikipagtulungan
nang pribadong sektor.