Masayang ipinapakita ni Gobernador Daniel R. Fernando ang Plake ng Pagkilala na kanyang tinaggap bilang Outstanding Governor mula sa ALSWDOPI. – PGB

Political will ng gobernador, kinilala rin ng ALSWDOPI

LUNSOD NG DAVAO – Isa na namang panibagong karangalan ang nadagdag kay
Gobernador Daniel R. Fernando ng Lalawigan ng Bulacan, nang gawaran siya
bilang Outstanding Local Chief Executive of the Philippines – Provincial Governor
Category for Luzon Island ng Association of Local Social Welfare and Development
Officers of the Philippines, Incorporated o ALSWDOPI nitong Martes, Agosto 15.

 
Personal na tinanggap ni Gob. Fernando ang parangal sa idinaos na Gawad
Parangal sa SMX Convention Center, Lanang sa lunsod na ito kaalinsabay ng 26th
National Social Welfare and Development Forum and General Assembly ng
asosasyon na may temang “Relevant and Responsive Social Welfare and
Development Practices Amidst Political Conflicts and Movements for Social
Change”.
 
Kinilala rin ng ALSWDOPI ang malakas na political will ni Fernando sa
pagpapatupad ng kakayahang panlipunan at kaunlaran ng kanyang nasasakupan.
 
Pinuri din ang mga inisyatiba at serbisyo ng People’s Governor na nag-aangat sa
pangkalahatang kagalingan ng mga nasa vulnerable sector kabilang ang mga
indigenous people, solo parents, senior citizens, at Persons With Disabilities o
PWDs.
 
“Isang karangalan po para sa inyong lingkod na tanggapin ang parangal na ito
bilang Outstanding Local Chief Executive of the Philippines under the Provincial
Governor Category for Luzon Island. Ang parangal na ito ay hindi lamang
sumasalamin sa ating pagsisikap at dedikasyong maitaas ang antas ng
pamumuhay ng ating mga kababayan kung hindi ito rin ay pagkilala sa sama-
samang pagkilos ng mamamayang Bulakenyo para makapaghatid ng progresibo at
positibong pagbabago sa ating Lipunan,” ani Fernando.

AWARDEES FOR SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT- Si Bise Presidente at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Sara Z. Duterte-Carpio (unang hanay, gitna) kasama si Gobernador Daniel R. Fernando (Ika-2 hanay, gitna) ng Bulacan, na pinarangalan bilang Outstanding Local Chief Executive of the Philippines – Provincial Governor Category for Luzon Island, at iba pang binigyang pagkilala na mga lokal na ehekutibo sa bansa sa idinaos na Gawad Parangal na inorganisa ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Incorporated (ALSWDOPI) nitong Martes, Agosto 15 sa SMX Convention Center, Lanang, Lunsod ng Davao, kaalinsabay ng 26th National Social Welfare and Development Forum and General Assembly ng asosasyon. – PPAO

 
Pinasalamatan din niya ang naturang samahan at ang lahat ng magigiting na social
workers ng bansa para sa walang kapagurang dedikasyon na isulong ang
kapakanan at karapatan ng mamamayan gayundin ang mga pinuno at empleyado
ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na kanyang naging katuwang sa
pagpapatupad ng mahalaga at makabuluhang programa para sa mga Bulakenyo.
 
Taunang programa ng ALSWDOPI ang Gawad Parangal na layong kilalanin ang
mga Outstanding Local Chief Executives at Local Social Welfare Development
Officers sa kanilang mga pagsisikap at ‘di-matatawarang suporta at kontribusyon
sa pagpapalakas ng mga programa at serbisyong pagkalinga at proteksyong
panlipunan.