LUNSOD NG MALOLOS- Nananawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo na
magpabakuna ng karagdagan laban sa COVID-19 kasabay ng pagharap ng lalawigan sa tumataas na
bilang ng mga positibong kaso.
“Bagaman hindi pa gaanong kalala ang pagtaas ng kaso ng COVID dito sa ating lalawigan kumpara sa
mga karatig nating lugar, nananawagan po ako sa ating mga kalalawigan na huwag nang hintayin ang
paglala ng sitwasyon ng COVID bago tayo umaksyon. Bukas po ang ating mga vaccination sites upang
makapagpa-booster tayo, at bigyan ang ating mga sarili ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19,”
anang gobernador.
Sa ulat ni Provincial Health Officer II Dr. Hjordis Marushka B. Celis kahapon sa ginanap na online na
Lingguhang Pagtataas ng Watawat, sinabi niya na nakapagbakuna na ang Pamahalaang Panlalawigan ng
kabuuang 5,756,301 bakuna kontra COVID at 647,334 lamang dito ang booster shots.
Binanggit din niya na 2,490,490 o 82.63% ng eligible na populasyon ang kumpleto na ang bakuna laban
sa COVID-19.
Samantala, ibinahagi rin ni Celis na kasalukuyang ipinatutupad ng Bulacan Medical Center ang
Appointment System upang maiwasan ang pagdagsa ng pasyente sa Out-Patient Department at mailayo
sila sa posibilidad ng pagkalat ng virus.
Maaaring tumawag ang mga Bulakenyo sa BMC Hotline sa (044) 482-4207 o magpa-rehistro sa OPD
Online Appointment sa www.facebook.com/BMCOPDKonsulta upang makapag-iskedyul ng pagbisita sa
ospital mula Lunes hanggang Sabado.
Dagdag pa ni Celis, tatanggapin ang mga emergency na kaso sa ospital, 24 oras sa isang araw.
Nakapagtala ng 660 bilang ng aktibong kaso sa Bulacan noong Hulyo 18 habang sa kabuuan, nagkaroon
ang lalawigan ng 110,617 beripikadong kaso ng COVID-19, 108,225 na paggaling, at 1,732 na
pagkamatay.