LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan — Naglaan ang kumpanyang North Luzon Expressway o NLEX Corporation ng 105 milyong piso para pagandahin pa ang kasalukuyang kundisyon ng Subic Freeport Expressway o SFEX.
Ilalaan ang ang nasabing pondo para sa pag-upgrade ng surface pavement ng expressway gayundin ang konstruksyon ng kanal at slope protection.
Kasama rin sa popondohan ang paglalagay ng guard rails, aplikasyon ng hazard paint upang mas maging ligtas sa motorista ang paggamit ng nasabing kalsada.
Ayon kay NLEX Corporation President J. Luigi Bautista, ninanais ng kanilang kumpanya na maging ligtas ang expressways maging sa ano mang kalagayan ng panahon.
Sinabi pa ni Bautista na ang pagtataas ng kalsada ay tutulong upang mabilis ma-drain ang tubig sa panahon ng malalakas ang pag-ulan.
May kabuuang haba aniya ito na 4,374 linear meters sa pagitan ng Jadjad at Argonaut bridges.
“Patatatagin din ng slope sa pamamagitan ng paglalagay ng wire mesh, pagkongkreto sa 1,830 metro kuwadrado bahagi ng SFEX upang pigilan ang pagguho ng lupa at pagpintura ng mga hazard warning marking sa mga concrete barriers at iba pang istruktura sa loob ng expressway upang maging babala sa motorista sa mga potensyal na panganib,” dagdag pa ni Bautista.
Matatandaan na noong Pebrero ng taong 2021 natapos na ang expansion ng SFEX kung saan may kabuoan nang 16.4 kilometro, dalawang bagong tulay at isang tunnel ang ginawa mula sa sa 1.6 bilyong pisong expansion project.