BAYAN NG ANGAT, Bulacan – Ipinagdiwang ng mga Angateno ang Ika-339 na
taong anibersaryo nang pagkakatatag ng kanilang bayan sa mahigit na isang
linggong selebrasyon na sinimulan noong Oktubre 16 at nagtapos nitong Lunes,
Oktubre 24 sa harapan ng bahay pamahalaan.
Inilunsad din ni Mayor Jowar Bautista at Vice Mayor Arvin Bautista kasama ang
iba pang opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan ng Angat, Congressman Ador
Pleyto ng Ika-anim na Distrito ng Bulacan at dating Mayor Lito Vergel De Dios
kasama ang kabiyak na si Gng. Karen, ang Gunita ng Lahi at Yamang Angat o
GULAYANGAT FESTIVAL sa temang “Binhi ng Kasaysayan Payabungin…Bunga ng
Pag-ahon at Pag-angat, Aanihin!”
Kabilang sa mga nailatag na aktibidad para sa kapistahan ang Himig ng
GULAYANGAT at Lakan at Lakambini ng GULAYANGAT na isinagawa noong
Oktubre 16, at GULAYANGAT Festival Kick-Off, Motorcade, Laro ng Laking
GULAYANGAT at Hapag ng Pamana Cooking Contest noong Oktubre 21.
Kinoronahan naman noong Oktubre 22 ang mga nagwaging Lakan at Lakambini ng
Angat na magiging kinatawan sa Singkaban Festival o ang mother of all fiestas ng
Lalawigan ng Bulacan.
At nitong Lunes, Oktubre 24, bilang pinaka-highlight ng kapistahan, sumayaw sa
kalsada sina Mayor Bautista at Vice Mayor Agustin kasama ang iba pang opisyal at
kawani ng pamahalaang bayan, at ang 11 grupo mula sa 11 barangay na kalahok
sa Indakan sa GULAYANGAT na sinimulan mula sa GIGA RSB Compound hanggang
sa Angat Gymnasium.
Dumalo rin ang mga nasabing opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan sa isang
Banal na Misa sa Simbahan ng Sta. Monica at sininundan ng Showdown ng
Indakan na ginanap sa harapan ng bahay pamahalaan, kung saan itinanghal na
kampeon ang Brgy, Paltok at nag-uwi ng premyong P50,000 at karagdagang
P10,000 mula kay Congressman Pleyto.
Binigyan din ni Pleyto ng P10,000 ang bawat grupo na lumahok sa nasabing
kumpetisyon, dahil na rin sa magagarbo nitong mga kasuotan at galing sa indakan
na hindi alintana ang pagakakabilad sa init ng araw.
Inihayag ni Mayor Batutista ang kauna-uanahang pagdiriwang nang pagkakatatag
ng Bayan ng Angat sa pagsilang ng GULAYANGAT Festival.
“Sisimulan na po nating tahakin ang landas upang maabot ang mga pangarap sa
minamahal nating Bayan ng Angat. Sa una at pambihirang pagkakataon,
pagkakataong pinatunayan natin na kaya din nating makipagsabayan sa ibang
bayan at magkaroon ng festividad para sa Bayan ng Angat, ang GULAYANGAT
Festival. Sa ika-339 na taong nang pagkakatatag ng ating mahal na bayan ay
isisilang ang GULAYANGAT Festival na siyang magpapakilala sa lahing Angateno sa
iba’t-ibang panig ng ating dakilang Lalawigan ng Bulacan at maging sa buong
bansa,” anang alkalde
“Ang pagdiriwang nang pagkakatatag nang isang bayan ay magsisilbing paalala sa
naging ambag ng ating bayan sa pag-unlad ng Lipunag Pilipino. Espesyal ang araw
na ito, na araw nang pagsilang ng pagkakakilanlan bilang isang Angateno. Walang
Angateno kung walang Bayan ng Angat na Isinilang,” dagdag pa ni Bautista.
Sinabi naman ni Cong. Pleyto na mapalad ang mga Angateno dahil na rin sa
matatag nitong pananampalataya.
“Tunay na makaDiyos at makatao ang pagakakatatag ng Bayan ng Angat dahil sa
ang mga naunang Agustinian Missionaries ang mismong nagtatag nito. Marahil
dahil sa matatag din ang pananampalataya ng mga Angateno sa Panginoong
Diyos, kaya nabibiyayaan ang Angat nang napakaganda at masaganang lupain na
siyang ikinabubuhay ng mga Angateno,” anang kinatawan.
“Batid ko po na ang tema nang pagdiriwang na “Binhi ng Kasaysayan
Payabungin…Bunga ng Pag-ahon at Pag-angat, Aanihin,” ay naayon sa mithiin ng
ating iginagalang na pangulo ng Pilipinas, si Pangulong Bonbong Marcos. Mithiin
na tinututukan ng pangulo tungkol sa food secutity bilang Secretary of
Agriculture,” dagdag pa ni Pleyto
Inilunsad din ang kauna-unahang himno ng Bayan ng Angat na sisimulang
patutugtugin at aawitin ng opisyal at kawani ng pamahalaang bayan sa
Lingguhang Pagtataas ng Watawan ng Pilipinas at mga aktibidad sa Bayan ng
Angat.