LUNSOD NG ANTIPOLO –– Namahagi si Kinatawan Erwin Tulfo ng ACT-CIS PartyList ng P1,000 pisong ayuda sa may 1,000 indigent family sa Barangay San Isidro ng lunsod na ito.
Bahagi ng programang Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng nasabing ayuda.
Ayon kay Kint. Tulfo, dahil na rin sa kahilingan ni Ka Rex Cayanong ang pamamahagi ng ayuda sa mga mas nangangailangang pamilya, na kanyang matalik na kaibigan.
Nilinaw pa ni Tulfo na hindi sa kanya at hindi rin sa DSWD, ang pera na kanilang ipinamahagi.
Pera umano ito ng taumbayan na ibinabalik lamang sa pamamagitan ng kanyang inisyatiba.
Nangako pa ito na ang ginawang pamamahagi ngayong araw na ito ay unang batch pa lamang sa mga bibigyan ng ayuda at ang mga hindi nakatanggap ngayong ay makakatanggap sa susunod.
Napag-alaman ng Mabuhay na bagamat maraming taga Brgy. San Isidro ang nakatanggap ng ayuda, marami sa kanila ang nahirapan sa pagkuha ng certificate of indigency sa pamahalaang barangay.
Nang malaman umano ng barangay na si Cayanong ang nag-inisyatiba na humiling sa Kinatawan, hinigpitan ng barangay ang pagbibigay ng clearance, bunsod raw ito ng pangamba na makalaban si Cayanong sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election.
Samantala, umapela naman si Ka Rex sa mga opisyal ng barangay sa San Isidro na huwag namang pulitikahin ang kanilang mga kabarangay na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan. – Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.