Nanunumpa kay Gobernador Daniel R. Fernando (gitna) ang bagong pamunuan ng League of Municipalities of the Philippines o LMP Bulacan Chapter, na pinangunahan ni Bocaue Mayor Eduardo "Jonjon" J. Villanueva, Jr. bilang pangulo. Nasa larawan din ang ilan pang opisyal ng nasabing samahan, (mula kaliwa) Paombong Mayor Mary Anne Marcos, Plaridel Mayor Jocelle Vistan, Pulilan Mayor Maritz Montejo, Baliuag Mayor Ferdie Estrella, Guiguinto Mayor Agay Cruz at Obando Mayor Ding Valeda, (likuran mula kaliwa) Michael Angelo Lobrin, Special Assistant to the Governor at DILG Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia. - Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nanumpa sa katungkulan ang mga bagong pinuno ng League of Municipalities of the Philippines o LMP Bulacan Chapter kay Gobernador Daniel R. Fernando nitong Lunes, Agosto 1 sa Tanggapan ng Gobernador sa lunsod na ito.

Samahan ng mga punong bayan sa Lalawigan ng Bulacan ang nasabing liga na pamumunuan ni Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” J. Villanueva, Jr., bilang pangulo at magsisilbi sa taong 2022 hanggang 2025.

21 bayan ang kaanib sa samahan maliban sa mga lunsod ng Meycauayan, Malolos at San Jose del Monte na nabibilang naman sa League of Cities of the Philippines.

Ang iba pang nanumpang bagong opisyal ng LMP Bulacan ay sina Pulilan Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo bilang Pangalawang Pangulo, Plaridel Mayor Jocell Vistan-Casaje-Kalihim, Baliuag Mayor Ferdie Estrella-Ingat Yaman, Paombong Mayor Maryanne Marcos-Tagasuri, Balagtas Mayor Eladio Gonzales, Jr.-PRO at Guiguinto Mayor Agatha Paula Cruz bilang Business Manager.

Kasama sa panunumpa ang mga nahalal na Board Member sa pangunguna ni Pandi Mayor Rico Roque bilang Chairman of the Board, Hagonoy Mayor Flordeliza Manlapaz,  San Rafael Mayor Mark Cholo Violago, Obando Mayor Leonardo Valeda, Angat Mayor Reynante Bautista at Norzagaray Mayor Maria Elena Germar.

Naroon din ang mga nahirang na
Council of Adviser ng liga na sina San Miguel Mayor Roderick Tiongson, Santa Maria Mayor Bartolome Ramos, DRT Mayor Ronaldo Flores at Calumpit Mayor Lem Faustino.

Sa mensahe ni Gobernador Fernando pagkatapos panumpain ang mga opisyal, inilahad niya ang pakinabang na aasahan ng bawat Bulakenyo sa panunungkulan nang bagong pamunuan.

” Inasahan natin na lahat ay magkakaroon ng pakinabang, ng pagbabago para sa ating lalawigan at tunay na pagkakaisa ng bawat isa sa atin,” ani Gob. Fernando.

Hiniling naman ni Mayor Villanueva sa kanyang mga kasamahan ang pakikiisa at suporta para sa ikapagtatagumpay ng buong gupo.

“Ang kailangan lamang po ay kooperasyon ng bawat isa. Naniniwala po ako na kahit sino ang mamuno pero kung ito’y hindi natin susuportahan at hindi tayo makikiisa, hindi po magiging matagumpay ang isang grupo o isang samahan gaya ng LMP,” anang alkalde.

“Ito lamang ang hinihiling ko, makiisa po tayo, magtulungan po tayo at naniwala  ako na tayo po ay magmu-move forward pataas. At higit po sa lahat, suportahan po natin ang anumang magagandang layunin, proyekto’t programa ng ating minamahal na Governor Daniel Fernando,” dagdag pa ni Villanueva.

Bulakan, Bustos, Marilao at San Ildefonso ang apat na bayan na walang opisyal na kinatawan sa isinagawang panunumpa at walang katungkulan sa bagong pamunuan ng LMP Bulacan Chapter.

Dumalo rin para saksihan ang makasaysayang okasyon sina Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia ng Department of the Interior and Local Government Bulacan at Mark Angelo Lobrin, Special Assistant to the Governor.