LUNSOD QUEZON – Inabswelto ng Quezon City Prosecutor’s Office ang city’s treasury office ng kahit anumang pagkakasangkot sa diumano’y insidente ng panunuhol sa pagbabayad ng buwis.
Inaprubahan ni Prosecutor IV Crisistomo Dario Jr., hepe ng Inquest Division para sa non-drug cases, ang resolusyon ni Criscelyn Cabayugan-Lugo na nagbabasura ng reklamong direct bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code, at paglabag sa Section 13 ng Republic Act 11032, o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018”, laban sa mga empleyado ni City Treasurer Edgar Villanueva na sina Ulysses dela Cruz at Shaine Ann Marie Cabuang dahil sa kakulangan ng ebidensya.
“Ang pamahalaang panlunsod sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte ay hindi kailanman papayagan ang alinmang gawaing panunuhol, gayundin ang korapsyon,” sabi ni Villanueva.
Sinabi ni Villanueva na sya ay determinadong magsampa ng reklamong administratibo laban sa ilang myembro ng Quezon City Police District (QCPD) na nagkamaling kasuhan at arestuhin sina Dela Cruz at Cabuang sa isang entrapment operation noong Mayo 25, 2023.
“Ang operasyon ay para siraan ang reputasyon ng Pamahalaang Lunsod Quezon,” dagdag nya.
Ang complainant na si Anthony Stephen Monteiro ay nagsabing noong Abril 18, 2023 nag-aplay sya para sa certificate of retirement of business sa treasury office na may kaukulang buwis na P75,000, inakusahan nya si Dela Cruz na nag-alok na bawasan ang bayaring buwis at humingi ng P50,000.
Ang dalawang empleyado ng city hall na parehong civil service eligible ay nanindigang inosente sila at sinabing walang katiwalian dahil naghanda pa nga sila ng business tax bill at gumamit pa nga sila ng counting machine para bilangin ang pera na galing kay Monteiro sa harap ng ibang mga empleyado.
“Ang makina ay pumalya dahil ang P50,000 na tig-P1,000 ay peke,” ani Villanueva.
“Ang pampublikong tanggapan ay tiwala ng publiko,” dagdag nya. — Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.